Saturday, June 6, 2009

bilanggo




Matagal ko nang pangarap pasukin ang mundo ng blogging, alam ko kasing magandang paraan ito para maipahayag ko ang aking saloobin. Sa wakas! ngayon nga eto nakapasok na ako sa mundong aking pinapangarap.

Pero di yata't mali ang aking inaakala, ang inaakala kong kalayaan ay isa lang palang malaking kalokohan. Bago ko kasi tuluyang pasukin ang isang madilim na silid hangga't maaari silipin ko muna at aninagin kung ano ang posibleng nasa likod ng pinto. Ginawa ko munang magbasa-basa sa mga blog ng ilang mga kababayan nating sa tingin ko ay medyo mahaba na ang karanasan sa pagsusulat, at para na rin makakuha ako ng punto para sa tamang pagsusulat. Hanggang sa napadpad ako sa isang tila grupo ng mga tinatawag na “Pinoy Bloggers”, iba-iba istilo nila sa pagsusulat, merong mapusok, merong puro katatawanan pero meron namang laman, meron ding katatawanan lang pero tanging tawa lang ang mapapala mo, merong napakahaba ng bawat entry pero walang sustansya kang malalasahan, meron namang malalim at umaapaw sa kaalaman, meron ding tila isang “diary” na nagsasalaysay ng buhay babae. Walang kaso ano man ang paraan ng kanilang istilo, blog nila 'yon malaya silang gawin ang anumang kanilang naisin, sana nga! Kaso gaya ng mabanggit ko sa unahan hindi pala ganun ang nangyayari. Merong ilan na minamanipula nila ng mga dapat lang na maisulat at mga hindi dapat isulat. Maaari nilang pagkaisahan ang sinuman kapag di nila nagustuhan ang kanyang naisulat.

Ngayon inisa-isa ko ring basahin ang bawat site nung mga nagmamanipula, sa pag-asang makakuha ng medyo kongkretong kasagutan sa tanong ko kung baket kailangang gawing siraang personal ang isang blogero na di naman bumanggit ng pangalan nila mismo doon sa isinulat nyang ikinaputok ng butsi nila. Sa aking pananaw pagpatay sa karapatan ang ganung maling gawain. Sabihin na nating may mali ang isang manunulat dapat ba itong siraan sa mundong kanya ring ginagalawan? E kung tutuusin mas may sustansya ang bawat nilalathala nitong taong kanilang ginigipit, mas may mapupulot kang gintong aral sa bawat plato ng kanyang inihahaing sulatin, hindi kagaya ng iba na ang paraan ng pagsusulat ay akala mo isang uhuging musmos.

Isa pa sa napansin ko, gusto nilang humingi ng paumanhin itong kasama natin dahil natapakan daw ang kanilang karapatan, sa tingin ko mali na naman ang ginawa nilang iyon, imbis na hingan nila ng paliwanag kung baket ganun ang kaniyang isinulat paghingi agad ng tawad ang gusto nilang gawin nito. Kung tutuusin sila pa nga itong dapat humingi ng tawad dahil hinusgahan nila ang kanyang entry nang hindi nila nauunawa ang tunay nitong nilalaman.

Ang isa sa ipinuputok ng butsi nila ay “nilahat daw sila”, e mabuti pa si acongtatsulok nakakintindi, akala ko puro kabalbalan lang ang alam nya pero nabasa ko yung kanilang balitaktakan ni dungeon lord, baket nga naman kapag ang pinaguusapan ay gobyerno kahit nilalahat sila pumapalakpak pa tayo, sa kabila ng alam nating di naman lahat ng nasa gobyerno ay puro palpak, pero kapag ang OFW ang natatapakan, halos patayin nila sa mura yung manunulat.

Hindi ako nagmamagaling, ang gusto ko lang gumising ang bawat isa sa atin, matuto tayong lumunok ng matamis at mapaklang gulay para sa ikalulusog ng katawan natin. Hindi porke mapait ang isang gulay ay dapat na natin syang itapon at ipagsigawan sa ating mga kapitbahay na “mapait ang gulay na ito! wag natin syang tangkilikin! hindi sya masarap sa panlasa namin kaya wag nyo rin syang kainin”. Bago natin gawin iyon, suriin sana natin maigi baka naman may sustansyang nagtatago sa likod ng kanyang pait. Wag tayong maghari-harian na kung ano lang ang gusto natin ay syang dapat gawin.


Napansin ko rin na marami rin pa lang sunod-sunuran dito, sunod-sunuran sa pasya ng iilan. Sana wag tayong tila mga “string puppet” na tinatalian at pinagagalaw ng iilan, lalo na doon sa iba na halata namang nakikiuso lang, meron pa akong nabasa di raw sya galit doon sa nai-ban nilang manunulat pero gusto nilang bigyan ng “tsokotaeng nakalagay sa mortar”, imbis na sawayin nung iba nyang mga kagrupo nagtawana pa sila doon sa kanilang mga kumento. tsk! tsk! tsk! Tingnan mo yan diba't malaking kapaimbabawan yan?

Sana wag niyong isipin na kinakalaban ko kayo, sabi nyo lahat tayo may karapatan, eto bagaman bago pa lang ako gusto kong maramdaman yung kalyaan na sinasabi nyo. Wala akong kinakampihan dito sinasabi ko lang yung obserbasyon ko, salamat po.

Wednesday, May 27, 2009

payaso


Kailan lang napanuod ko sa isang balita sa TV yung pangbabangayan ng dalawa sa pinagpipitagan nating senador, si Nene Pimentel at si Juan Ponce Enrile. Sa harap ng kapwa nila mga senador animo’y mga batang uhugin nagpalitan ng maaanghang na pang-iinsulto sa isa’t ang dalawang matandang halal ng bayan. Eto ang sa tingin ko ay isang malaking balakid kung bakit ang kaawa-awa nating bayan ay nananatili sa kahirapan at para bagang hindi makaahon sa kumunoy ng kahirapan, mismong mga namiminuno ng bayan natin ay parang mga asong nagsasakmalan sa harap ng taong bayan… inihalal natin sila, ipinagkatiwala natin sa kanila ang pamumuno sa pobre nating bayan subalit anung pangunguna kaya sa hahapay-hapay nating bayan ang gagawin nila samantalang sila mismo ay di nila kayang kontrolin ang kanilang mga sarili.
Wala bang iniwan doon sa nakaraang senaryo ng nakaraang halalang pampanguluhan, kung saan natalo ang Panday kay Pandak. Bukod sa rason na kaya sya hindi nanalo sa pagkapangulo ay dahil dinaya sya ni Nunal, isa rin marahil sa dahilan kung baket hindi sya pinalad ay dahil sa pagiging ganid nya sa pwesto at ni Ping. Kung nagkaisa lang sana silang dalawa siguradong tinalo nila si Nunal. Kung nagbigayan lamang sila sa isa’t isa at nagparaya kung sino sa kanilang dalawa ang mas karapatdapat sa pwesto disin sanay wala tayo sa kaawa-awang kalagayan ngayon. Sabagay sa ipinakita nilang iyon di rin natin masisigurong kung sila nga ang nasa pwesto ngayon ay nakaahon na tayo sa sadlak na kahirapan, kung sila kasi mismo ay di nagkaisa noong mga panahong iyon paano pa kaya nila pagkakaisahin at hahanguin sa kumukulong mantiga ang bayan ni Juan?

Alam naman nating lahat na di lang talino at galing ang dapat pairalin sa pangunguna sa bayan, dapat meron ding puso. Puso kasi ang nagdidikta sa isip para maging matalino ka, pero kahit kailan di pupwedeng diktahan ng isip ang puso para maging mapagmahal sa kapwa at sa bayan. Tingnan na la ng natin ang kongreso at senado ng Pilipinas na pinalilibutan ng mga matatalinong unggoy, sa labis nilang dunong nagmumukha silang mga payaso na sumisirko-sirko sa entablado ng maduming politika.

Kailan kaya magigising ang mga namiminuno sa bayan ni Juan? kailan kaya sila mas magiging matalino at aastang mga tao para unahin ang kapakanan ng nanghihingalong sikmuka ng mga mahihirap?